Monday, October 13, 2014

Ang Halaga ng "Continuous Learning"

Kung isa ka sa mga estudyanteng nag-aakalang tapos na ang kalbaryo mo sa pag-aaral pagkagraduate mo sa kolehiyo; maghanda ka nang ma-disappoint.

Matagal na kong graduate.

Natapos akong mag-kolehiyo noon pang Abril 2009. Ilang kahon ng libro at notebook na ang nagamit ko, ilang ream ng papel at pad paper na ang naubos, ilang lapis ang tinasahan, bolpen na binili at ipinang-drawing, at iba’t ibang klase ng guro na ang naranasang pakisamahan at intindihin. Akala ko, sapat na ang ilang makakapal na librong kinabisado at inintindi ko noong college na bala para sa pagsabak ko sa corporate world. Hindi pala. Naniwala ako sa sabi sa akin ng mga matatanda dati na hindi mo naman ma-aapply lahat ng mga natutunan mong konsepto magmula elementary hanggang kolehiyo pag nagtatrabaho ka na. Mali pala ang panuntunin nilang iyon.

Oo, maraming mga specific na mga terminolohiyang maaaring hindi ko ginagamit sa ngayon na pinag-hirapan kong kabisaduhin dati, pero karamihan sa mga ito ay nai-aaply ko sa opisina, kung hindi man ay sa buhay. Hindi mo kasi malalaman kung kailan mo gagamitin ang mga aralin na natutunan mo. Bigla bigla ay kakailanganin mo at magugulat ka nalang, naalala mo pa pala ang mga ito.

Na-realize ko rin na ang mundo ay isang napakalaking dagat. Kung dati ang feeling ko ay napakatalino ko na at diyosa ako sa English, Physics, Drafting, Architectural Design, Science at kung anu-ano pang subjects dahil madalas akong maging “Best” sa mga ito at muntik na kong maging cum laude, (kundi lang dahil sa .06 na difference sa aking general weighted average mula sa aking pag-shift mula BS Accountancy papuntang BS Management), ngayon, hindi na ganito ang aking pakiramdam. Kahit pala gaano katalino ang isang tao, meron at meron paring mas tatalino sa kanya.

Noong pumasok na ko sa pinapangarap kong opisina, literal na nanliit ako. Lahat nga mga kasama ko sa departamento ay mga Certified Public Acccountants (CPAs), ang iba ay lawyer. Mayroon ding CPA na nga, lawyer pa. Karamihan sa mga ito, mga summa, magna at cum laude. Kung wala mang honors noong kolehiyo, matataas naman ang mga markang meron sila. Naman! Achievers! Ano bang silbi ng mga narating ko sa eskwela kumpara sa mga ito na tried and tested, ika nga nila. Kayang-kaya nila akong kainin ng buong-buo.

Pero habang tumatagal ako, iniisip ko kung hanggang saan ang career path dito sa institusyon na ito. Paano nga ba ako aangat sa institusyon na ang mga kalaban ay mga de-kalibreng nilalang na tulad nila. Ano ba naman ako kumpara sa mga kumikintab nilang mga Transcript of Records at iba’t-ibang mga lisensya. Ang dumating na sagot sa akin: Ang patuloy na pag-aaral. Sabi nga nila, natatalo ng mga matitiyaga ang mga matatalino. Dapat na mas pursigido ka na matuto ng mas maraming bagay kaysa maging masaya na sa kung anong alam mo ngayon. Sa ganoong paraan, mas marami kang natututunan, mas marami kang maibabahagi sa trabaho at sa pag-solve ng kung ano mang situational problems.

Sa ngayon, nagma-master’s na ako sa pinaka-prestihiyosong unibersidad sa bansa at malapit nang matapos. Going back, hindi ko maubos maisip na makakapasok ako sa unibersidad na ito, pero naisip ko dati na walang masama na sumubok… at akalain mo ‘yon, nakapasok ako! At kung tatanungin mo ko kung nakatulong ba ang pagsusunog ko ng kilay sa aking trabaho, ang sagot ko ay “oo”. Dahil alam ng aking mga ka-opisina na nag-aaral ako, binibigyan na ako ng mga mas mahirap na trabaho na talagang mararamdaman kong importante ako. At alam natin ang katumbas ng mas mahirap na trabaho… kadalasan para ito sa paghuhulma sayo para ma-promote.

Maaaring mag-argue ka na kahit anong pag-aaral mo, hindi ito guarantee na mapo-promote ka sa trabaho, ang sagot ko dyan, “I know, right?” Pero bakit mo lilimitahan ang pag-aaral para lamang sa trabaho? Lumalawak din ang opportunities sa labas ng iyong workplace dahil mas mataas na ang antas ng nalalaman mo. Sa kaso ko, pwede na ko magbigay ng consultancy service, magturo sa eskwelahan, gumawa ng sarili kong business, at kung anu-ano pa. Mas may laban na ako kumpara sa iba. Mas malaki ang opportunity ko kumita ng pera at hindi na ako ganon kadaling maloloko ng ibang tao.

Iba parin ang may alam.

Thursday, August 21, 2014

Ang Presyo ng Pagiging Isang Adult at Ang Pakikibaka sa Antok

Bakit nga ba sakit na ng karamihan sa atin ang antok? Naaalala ko noong bata pa ako, hindi ako natutulog ng hapon at gabi dahil pinapanood ko ang mga paborito kong Anime’ sa TV. Kasagsagan pa noon ng mga Anime’ na katulad ng Slam Dunk, Ghost Fighter, Flame of Recca, Pokemon, Ranma ½ at Samurai X. Bukod doon, para sa akin, ang ibig sabihin ng pagtulog ay ang pagpapabilis ng pagdating ng kinabukasan. At sa batang katulad ko, ang kinabukasan ay nangangahuluugan na papasok nanaman ako sa eskwela, kakabahan tuwing recitation at gagawa nanaman ng maraming aralin.


Pero bakit kaya ngayong nagtatrabaho na ako at kung tutuusin, maraming ginagawa, madalas na ako ng boredom at antok? Bakit ngayon, parang napakalaking blessing na ang maging tulog ng isang buong maghapon? Ano nga ba ang nangyari? Saan nagbago? Kung tatanungin mo ako, ang sagot ko ay hindi ko alam. Marahil napaka-routinary na ng mga ginagawa ko ngayon kaya kahit nakapikit ako kaya kong gawin ang mga ito, o ‘di kaya ay masyado talagang boring ang buhay ko. Hindi ko masabi. Marahil dahil noong bata ako ay simple lang ang mga gusto ko sa buhay at hindi ko na iniisip kung anong sasapitin ko kinabukasan. Makanood lang ako ng cartoons at magawa ang aking mga homeworks, ayos na.

Kung sino man ang nagsabi na exciting maging “adult” dahil sa mga pribilehiyo ng pagiging “free” at pagka-alis ng mga rules, ay babatuhin ko ng ice cream sa mukha. Kalokohan. Malaki ang kapalit ng pagiging “free”. Hindi niya sinabi na kailangan mong asikasuhin ang renta sa bahay, ang pagbayad ng mga bills katulad ng kuryente, internet at tubig, pati na ang paglalaba sa damit mo at pagluluto ng pagkain mo. At kung hindi mo iniisip ang mga ganitong bagay, maaaring kapit ka parin sa mga magulang mo. Ang mahal palang magaing “adult”.

Pero at one point din pala ay kailangan mong tanggapin na hindi mo pwedeng pahintuin ang oras. Tatanda at tatanda ka parin, kahit anong pagpipilit mong maging bata. It’s not a matter of choice dahil kailangan mo talagang tumanda. Sa pag-mature ng isang tao, nawawala ang excitement sa buhay. Napapalitan ng boring at paulit-ulit na mga gawain. At ito ngayon ang nagpapa-antok sakin. Dapat siguro ay mayroon tayong mga sine-set na bagay na ikaka-excite natin sa buhay katulad ng activities sa weekend na hindi gastos, productive din. At para hindi antukin sa trabaho, dapat pala ay doon tayo sa trabahong kaya natin mahalin. Kasi kung commitment lang ang tingin natin sa isang trabaho, talagang aantukin at aantukin tayo.


At dahil nakapagsulat na ako at nagising sa nakaka-antok na boredom… balik trabaho na ulit.